Problemado ka ba? Mga Problemang kinakabaka ng mga kabataan…
PROBLEMADO KA BA? MGA PROBLEMANG KINAKABAKA NG MGA KABATAAN…
Sa totoo lang, hindi ko talaga hilig manood ng mga pelikulang Pinoy, pakiramdam ko kasi minsan, corny ito at saka parang low-budget. Pero kahit ganoon nga, hindin naman ito pumapalyang magpahiwatig ng makabuluhang mensahe at asal na talagang mababaon sa utak mo.
Isa na rito ang pelikulang “Jologs.” Taong 2002 nang ipinalalabas at maging popular ito, hindi lang sa mga manonood, kundi pati rin sa mga kritiko. Umiikot ang kwento nito sa labing-isang teenadyer na may kani-kaniyang isyu sa buhay. Kapansin-pansin at katangi-tangi din dito kung paanong ang buhay ng bawat isa ay magkakaugnay-ugnay sa buhay ng iba pang mga tauhan.
Sa naturang palabas, kinakaharap nina Iza (Assunta de Rossi)), Ruben (John Prats), Cher (Baron Geisler), Triger (Onemig Bondoc), Kulas (Vhong Navarro), Joan (Julia Clarete), Faith (Jodi Sat. Maria), Dino (Patrick Garcia), Iñigo(Dominic Ochoa), Shona (Michelle Bayle) at Mando (Diether Ocampo) ang mga araw araw na problema at pagsubok na sumisira sa kanilang buhay. Kabilang dito ang sekswalidad, personalidad, buhay-pamilya at pakikipagkapwa. Sa ating lipunan, dinaranas din nating mga kabataan ang mga problemang higit pang malala sa mga problemang ipinakikita sa jologs.
Insecurity sa buhay ang isa sa kabilang sa naturang listahan. Minsan, nahihirapan tayong makihalubilo sa mga makapangyariha’t mayayaman, habang pinapanatili ang ating totoong pag katao. Nadadala rin tayo sa tukso ng maagang pakikipagtanan. Nariyan din naman ang mga nalululong sa masasamang bisyo o napapasama sa masamang barkada.
Gayunman, hindi talaga maaaring iatang ang lahat ng sisi sa mga kabataan sapagkat iba-iba ang sanhi ng mga suliraning ito dulot na rin ng iba-ibang background na ating pinanggagalingan. Sa pagbasa mo nito, matatatanto mong pwede palang maging isang masamang panaginip ang buhay ng isang binata o dalaga.
Madalas, naririnig natin ang tungkol sa imoralidad at ang kakulangan sa ‘breeding’ nating mga kabataan. Subalit, kasalanan nga ba natin ito? Mukang hindi. Bakit kamo? Dahil sa mga problemang sinasagupa natin sa araw-araw, ang gusto lang naman natin ay maging iba at harapin ang gulong dulot ng peer pressure. Ngunit kahit na sinosolusyunan na ang mga problema, may mga pagkakataong sumusobra pa rin tayo. Masyado tayong sumusobra na hindi natin alam na ang ating mga ginagawa ay nakakasira na pala ng kinabukasan . Idagdag mo pa riyan na matitigas ang ulo ng mga kabataan kaya naman nahihirapan ang mga matatandang tulungan sila.
Kung gayon, ano na lang ang solusyon dito? Sa palagay ko, hindi na yata ito masosolusyunan pa. Sabi nga ng guro naming sa Ingles, “If there’s a problem that is deemed unsolvable, it is considered part of reality.” Dapat lang na harapin ang naturang mga problema, ngunit tayo na ang bahala kung paano ito haharapin. Gayunpaman, nararapat lang na gawin ito sa paraang mature at hindi sa pamamaraang makasasama para sa sarili at sa iba. Maaari namang tumulong at makialam ang mga matatanda, subalit ang huling pagkilos ay nakasalalay pa rin sa kabataan.
