Prose & Poetry

Batista: Handog ng Pilipino sa Mundo

Batista: Handog ng Pilipino sa Mundo

Kitang kita na talaga ang galing ng Pilipino sa buong mindo. Kung titignan, kahit saang larangan ay mayroong Pinoy. Mapa-boxing man o sa kantahan, mayroon at mayroong maipagmamalaking lahing Pilipino. Sa katunayan, ipagsasama nga sa isang pelikula ang tatlo sa malalaking Pinoy na personalidad sa mundo, Itatampok ang Boxing World Champion na si Manny Pacquiao, Pussycat Dolls laed singer Nicole Scherzinger, at sa unang pagkakataon, ang pinagmamalaki ng mga Pinoy wrestling fans, ang 5-time WWE World Champion na si Batista. Silang lahat ay itatampok sa ‘Wapakman’, isang komedya. Sa ilalim ng direksyon ni Topel Lee. Malamang at marami na nag mga nakakikilala kay Manny at kay Nicole, ngunit sino naman ‘tong si Batista?

Totoo ngang kahit saan, may Pinoy, at pati na rin sa larangan ng Wrestling ay inabutan na rin ng ating lahi. Ang binansagang ‘The Animal’, ipinanganak si David Michael Bautista, sa isang Griyegong ina at Pilipinong Ama.

Hindi naging madali ang buhay niya sa umpisa. Bilang panganay, kinailangan niyang kumayod sa murang edad para sa ikabubuhay ng kanyang pamilya matapos silang iwanan ng kanilang haligi ng tahanan. Sa mga panahong iyon, pinasukan niya ang iba’t ibang klase ng trabaho kabilang na ang pagiging bouncer sa isang club, taxi driver,at barbero.

Sa panahong siya’y naging isang bodybuilder, nadiskubre ni Afa Anoa’i, isang beteranong wrestler, ang kanyang potensyal na maging isang Professional Wrestler. ‘Di nagtagal at napadpad din siya sa Ohio Valley Wrestling, at doon nagsimula ang kanyang training at pageensayo. Una siyang lumabas sa WWE SmackDown noong 2002, bilang enforcer ni Reverend D-Von. Kinatakutan ang kanyang malaking pangangatawan at matipunong anyo sa panahong ito.

Sa mga sumunod na taon, nakilala si Batista bilang bahagi ng grupong “Evolution” kasama ang kapwa baguhang si Randy Orton, at ang mga tanyag na WWE Superstars na sina Triple H, at ang 16-time World Champion na si Ric Flair. Dito talagang ganap na napaghusay ang kanyang talento’t galing. Dito rin nakita ng mga bookers ang kanyang magandang hinaharap sa WWE.

Makalipas ang panahon, mas naging sikat si Batista sa mga fans, at mga manonood. Hindi na ngayon kinakatakutan ang malahalimaw niyang anyo, bagkus ay nagsisimula na ang paghahanga at pagmamahal ng kanyang mga fans sa buong mundo.. Napanalunan niya ang mga puso ng bawat manonood sa tuwing hinahagupit niya ang kanyang mga kinakalaban gamit ang Batista Bomb at ang Spinebuster. ‘Di nagtagal at siya’y naging isang World Heavyweight Champion matapos talunin ang beteranong si Triple H, sa Wrestlemania21, apat na taon na ang nakakaraan.

Hindi riyan matatapos ang kanyang mga tagumpay. Sa loob ng apat na taon matapos ang WrestleMania 21, siya’y naging isa sa pinakamalaking bituin ng WWE. Napanalunan niya ang iba’t ibang mga titulo sa mga nagdaang taon, katulad ng WWE Tag team Championship kasama si Rey Mysterio, World Tag Team Championship kasama si John Cena, at naging World Heavyweight Champion ng tatlong beses pa. Idagdag mo pa ang kanyang pagkapanalo sa Royal Rumble noong 2005. Ilang beses rin siyang kinilala bilang Wrestler of the Year. Sa katunayan, hinirang bilang ang #1 wrestler, mula sa limandaang iba pang wrestler na nanggagaling sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa likod ng tugatog ng tagumpay ni Batista, Hinding-hindi niya nakakaligtaan ang kanyang pinanggalingan at ang pagka-Pilipino niya. Sa mga panayam, lagi niyang sinasabi na ni isang beses ay hindi niya kinahiya ang kanyang Pagka-Pilipino. Isa siyang proud Pinoy. Sa katunayan, mayroon siyang tattoo ng bandila ng Pilipinas sa kanyang kaliwang braso, patunay ng kanyang pagmamahal sa lahing Pinoy.

Halatang-halata na talaga ang markang naitatak ng ating lahi sa buong mundo. Ang mga katulad ni Batista ang mga patuloy na nagbibigay ng karangalan at pag-asa sa lahi ni Juan Dela Cruz. Unti-unting nakikilala ang pangalan at husay ng Pinoy sa anumang larangan. Sila ang ating mga ipinagmamalaki. Sila ang ating handog sa mundo.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

*